Utos ng Pari

Sa National Press Congress na itinaguyod ng Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI) sa Hyatt Regency at Ambassador Hotel sa Maynila noong 2003—halos isang dekada na ang nakalilipas—nakatawag ng aking pansin ang keynote address ng batikanong mediaman na si Fr. James Reuter, S.J., isang paring Heswitang nakapaglingkod na sa bayan nang halos anim nang dekada.

Binigyang diin ni Reuter ang value o pagpapahalaga ng tao sa kanyang sarili. Ani Reuter, ang value ng world sa ngayon ay “take”—lahat ng ginagawa ng tao sa kasalukuyan ay puro pansarili lamang. Sa halip, hinamon ng paring Heswita ang mga taga-mediang tingnan ang value ng gospel—o ang value ng “give.” Wala nang ibang tumpak na halimbawa ang pagpapahalagang ito kundi ang kahulugan ng Christmas—o ang pagsilang ng Mesias sa mundong makasalanan.

Malugod na naging makabuluhan ang panayam ito nang mag-react ang mga media audience sa open forum pagkatapos ng lecture ni Reuter. Nang tinanong si Reuter ng isang peryodista tungkol sa ano ang pwede niyang gawin laban sa paglaganap ng mga smut publications sa paligid, mariin ang tugon nitong itigil ang paglathala ng mga bold pictures ng mga babae sa mga tabloid. Subalit tulad ng inaasahan, halong reaksyon ang sumalubong sa opinyon ng pari.

Base sa mga diskusyon ng mga peryodista, hati ang kanilang paninindigan sa usaping ito. Kampante na ang ibang mamamahayag sa pagbasura ng ganitong uri ng publikasyon. Sa kabilang dako, ang mungkahing ito ay hindi ganoon kapraktikal sa mga peryodistang diumano’y “nabubuhay” sa paglathala ng nasabing materyal dahil sila ay mga publishers ng mga ito.

Nang hinamon ng paring Heswita ang mga tagamedia na pag-ibayuhin ang value ng Gospel—“give” o maging mapagbigay sa Kristiyanong sense nito, hinamon niya na rin ang sensibilidad ng bawat peryodistang dumalo sa komperensya. Gaano ba kahanda ang mga Pilipinong mamamahayag sa hamong ito?

Ano na nga ba ang value ng media sa kasalukuyan? Ilan pa nga bang mga mamamahayag ang nagtatrabaho tungo sa kabutihan, tungo sa masasabing moral na kamalayan o pagkatao?

Harapin natin ang kasalukuyang katotohanan—iba ang sinasabi ng realidad sa idinidikta ng moralidad. Hindi natin nakikita sa tunay na buhay ang mga retorikang ibinibandilyo ng mga pangulong-tudling sa mga peryodiko, ang sinasabing kaluluwa ng pahayagan, na siya ring makapagsasabi rin tungkol sa kaluluwa ng may-ari ng pahayagan.

Ang sagot sa ganitong tanong ay magpapakakilala atin sa sa dalawang uri ng mamamahayag na Pilipino. Narito ang dilema na sinasabi ng buhong na peryodista. Kung ang isang pahayagan ay nabibili dahil may mga hubad na babae ito sa cover, ano ang mangyayari kung aalisin mo ang mga come-on elements na ito. Wala bang ibang choice ang publisher maliban dito? Hindi pa maaaring mabili ang isang peryodiko kung walang Sam Pinto o Christine Reyes na nakabuyangyang sa cover?

Subalit narito naman ang sagot ng pwede nating sabihing endangered nang journalist. Aniya, maaari ka namang makapaghikayat ng mambabasa sa iyong pahayagan kung ito’y hitik sa impormasyon, pagsisiyasat at analisis ng mga isyung nakakaapekto sa general public. Napagkasunduan din doon na walang ibang pang-akit ang isang matinong pahayagan kundi ang pagiging puno nito ng kaaalaman para sa mambabasa. Marahil ay hindi naman lubhang kailangan ng mambabasa ang sex—maliban na lang kung ang isang pamayanan ay isang sibilisasyon ng mga perverts o sex addicts.

Anila, there is more to publication come-on than sex. Mas magiging mabenta ang pahayagang puno ng makabuluhang isyu at analisis ng mga isyu. Halimbawa na lang, mas magugustuhan ng mga mambabasa ang kopya ng pahayagang hindi niya ikahihiyang basahin sa loob ng MRT dahil wala itong starlets na  malagkit na nakakatitig sa parehong lalaki at babaeng pasaherong nakakaangkas ng mambabasa sa tren. Kailangan lang na ma-educate nang maayos ang mga mambabasa.

Nang sinabi ni Reuter na ang media ang pinakamakapangyarihan instrumento para magturo nang matino sa sangkatauhan, nakita kong hinamon ni Reuter ang bawat mediaman na tingnan ang kanyang sariling bakuran—at simulant niyang walisin ang lugar na yaon—tipunin ang kalat at dumi palabas ng kanyang sariling tugsaran. Sa huli, nakakaawa ang mambabasang tinuturuan ng media ng katotohanan kung ang mga katotohanang kanilang isinasaalang-alang ay iyong mga makapagpapababa ng kanilang pagkatao.

Know thyself, ika nga ng isang dakilang Griyego ng makaunang panahon. Ang mga klasikong kamalayang tulad nito ang gagabay sa atin para suriin ang ating sariling sensibilidad sa ating mga ginagawa sa kasalukuyan. Sa ganyang paraan laman natin masasabing tayo’y mga stewards ng katotohanan. At dahil diyan, tayo’y higit na magiging karapatdapat na basahin ng sangkatauhan.


Comments

Popular Posts